CAVITE CITY–– Sa maagap na pagdalo ng mga tauhan ng pulisya ng Cavite City, isang 19 anyos na lalaki ang naghihimas ng rehas na bakal makaraang maaresto matapos akyatin ang bahay ng isang teacher sa Lopez Jaena Street (Brgy 61-A) San Roque nitong nakalipas na Hunyo 24 dakong alas 8:30 ng gabi.
Sa nakalap na ulat sa tanggapan ni P/Supt. Rommel Laconsay Javier, hepe ng pulisya kinilala ang naarestong supek na si Aldrin John De Jesus alyas Dindin, 19, binata, walang trabaho residente ng Barangay 60 San Roque ng nabanggit na lunsod.
Samantalang kinilala ang biktima na may-ari ng bahay na si Aloha Mangahas y Helbano, 34 may asawa, teacher, residente ng 1122 Lopez Jaena San Roque ng nasabing lunsod. Sa imbestigasyon isinagawa ni PO3 Rodel Buitizon, nabatid na isang Alma Delos Santos, kasambahay ng biktima ang nagtungo sa himpilan ng pulisya upang ipabatid ang nagaganap na nakawan sa bahay ng kanyang amo. Kaagad na nagresponde sina SPO1 Ferfer Manzano at SPO1 Mackoy Mallari at PO3 Buitizon sa nabanggitr na lugar. Napag alaman buhat sa biktima, na habang nagpaparada siya ng kanyang kotse may sampung metro ang layo sa gate ng kanyang bahay, ng makita nito ang suspek at pumasok sa loob ng bahay at tinungo ang 2nd floor ng bahay kung saan nandoon ang masters bedroom at ini-lock ang pintuan.
Kaagad nitong inutusan ang kanyang kasambahay na magtungo sa himpilan ng pulisya upang iulat ang pangyayari.Nang dumating ang mga tauhan ng pulisya ay binigyang seguridad ang kapaligiran at nakipagnegosasyon upang lumabas ang suspek sa loob ng kuwarto.
Ilang minuto ang nakalipas ay binuksan ng suspek ang pintuan ng kwarto at ng lumabas ito ay nakuha sa kanyang posesyon ang isang PSP play station na nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P12,000, isang susi at remote control ng isang Hyundai i10, 110 GLS 1.1 liter series model 2012 na kulay itim na may plakang TGQ1323 na nagkakahalaga ng P708,000 na nakarehistro sa pangalan ng biktima, isang Visa card at isang Master Credit card, na parehong nasa pangalan ng biktima.
Ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa himpilan ng pulisya. Sinampahan ng kasong Theft ang suspek sa lokal na piskalya at kasalukuyang nakakulong sa istasyon ng pulisya.
AKYAT-BAHAY, HULI SA AKTO, KALABOSO
By: REY MORALES│Operation Eposé Vol. 9 Blg. 51 July 01 - July 07, 2012 issue

No comments:
Post a Comment