Lakas-CMD aatras muna, saka aabante sa 2016 …
TULAD sa isang heneral ng hukbo, nagpapakita ng talino ng isang bihasang politiko si LakasChristian Muslim Democrats president, Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla kaya ipinasiya na “magpahinga” muna at ‘wag aktibong sumabak sa lokal na sa halalan ng Mayo 10, 2013.
Ayon kay Revilla, mag-iipon ng enerhiya at puwersa ang Lakas-CMD at sisikaping magparami ng mga kaalyado para sa mas malaking labanan sa 2016 na dito, maghahalal ng bagong presidente ng bansa.
“This is a matter of political survival,” sabi ni Revillla. Sa taktika ng senador, kung sa sugal na Pusoy Dos, “pass” muna sa ikot ng baraha ang Lakas-CMD.
Umamin si Bong na maraming kapartido ang “nagalit at nadismaya” sa kanya nang hatulang “Guilty” si Chief Justice Renato Corona sa nakaraang impeachment trial ng Senado.
“Not guilty” o “Acquittal” ang nais na naging hatol ng pamunuan ng Lakas-CMD. Ikinatwiran ni Revilla na sinunod niya ang utos ng konsiyensa kaya “kinondena” niya si Corona, bukod , aniya pa, sa lumutang na mga ebidensiya at pag-amin mismo ni Corona na siya may naipong P80 milyon at $2.5 milyong deposito sa mga bangko.
Ang depositong ito ay hindi idineklara ni Corona sa sariling statement of assets and liabilities (SALN) kaya, paliwanag pa ni Revilla, nakumbinsi siya na “nagkasala” nga si Corona kaya dapat ngang sibakin bilang punong mahistrado.
Sa “pag-atras” sa lokal na halalan sa 2013, sinabi ni Bong na kahit wala ng puwersa ang kanilang partido sa pambansang pamahalaan, nananatiling malakas pa rin sila sa mga lalawigan, mga bayan at siyudad.
Aniya, ang Lakas-CMD ay mayroong 12 gobernador, 28 representantes at 120 alkalde. “Hindi basta pwedeng balewalain ang bilang namin,” sabi ni Revilla. Kumbaga sa isang sundalong sugatan, kailangan munang umatras at magpalakas ang Lakas-CMD para muling sumabak sa labanan Humina ang Lakas- CMD nang madetine si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center dahil sa mga kasong pandaraya sa eleksiyon at mga kasong plunder sa Ombudsman.
Pitong buwan nang nasa hospital arrest si Arroyo. “OK naman kami ng Pangulo (Arroyo), naiintindihan ko siya kung magdamdam sa hatol ko sa impeachment trial,” sabi ng senador. Hindi direktang sinagot ng senador kung may binubuo siyang lokal na alyansa sa Cavite at sa iba pang lalawigan para mas mapalakas ang Lakas-CMD sa darating na eleksiyon sa 2013.
“Nasa proseso kami ng mga pag-uusap at wala pang resulta tungkol dito,” aniya na idinugtong na nagbago at ang balak niya na itakbong senador ang maybahay niya, si Cavite 2nd district Congresswoman Lani ‘Ate Lani’ Mercado-Revilla.
Tama, sabi ni Revilla, ang komento na magiging “asiwa” kung sila ng maybahay ay kapwa maglilingkod nang sabay sa Senado. Pabiro, sinabi ng senador na kilala sa showbiz bilang gigolo at “babaero” na kung magiging senador si Mercado-Revilla, magkakaroon siya ng isang “masugid na tagabantay.”
Kamakailan, umugong ang usapang nagbubuo ng isang lokal na koalisyong Liberal Party at Lakas-CMD sina Revilla at dating gobernador at 3rd Cavite District Congressman Ayong Maliksi, chairman ng LP sa Cavite.
“Tatakbo uling congresswoman si Lani, aasikasuhin muna niya ang Bacoor na isa nang ganap na siyudad sa idinaos na plebesito noong Sabado (Hunyo 23),” paliwanag ni Revilla tungkol sa balitang hindi na tatakbong senador ang kanyang maybahay.
Kung ano ang plano ng senador kapag natapos ang termino niya sa 2016, ngumiti lang ito at sinabing: “Matagal pa ‘yun… itong 2013 muna ang ”kailangang paghandaan namin.”
‘PASS’ MUNA SA 2013 ELECTIONS –SEN. BONG
By: ELI TAPARAN II & NHOMAR ASUNCION│Operation Eposé Vol. 9 Blg. 51 July 01 - July 07, 2012 issue

No comments:
Post a Comment